Ano ang Palliative Care?
Ang palliative care (pangangalagang pampakalma) ay pangangalagang pangkalusugan para sa mga taong may terminal na sakit. Nakatuon ito sa ginhawa, suporta, at kalidad ng buhay para sa mga pasyente at sa kanilang mga pamilya. Tinutulungan nito ang mga tao na mabuhay nang matagal at maginhawa hangga't maaari.
Kailan maaaring simulan ang palliative care?
Ang palliative care ay maaaring simulan anumang oras ng isang lumalalang sakit, hindi lamang sa mga huling linggo o araw ng buhay. Sa maraming kaso, ang isang tao ay maaaring makatanggap ng palliative care habang tumatanggap pa rin siya ng iba pang paggamot para sa kanyang sakit.
Sino ang nagbibigay ng palliative care?
Ang palliative care ay maaaring ibigay ng sinumang propesyonal sa kalusugan tulad ng isang general practitioner (GP) o doktor, espesyalistang medikal o nars.
Ang mga espesyalistang serbisyo ng palliative care ay maaaring maisali kapag naging mas kumplikado ang mga sintomas ng isang tao. Karaniwang pinamumunuan ang mga ito ng isang doktor o nars na dalubhasa sa pagkontrol ng mga sintomas ng katapusan ng buhay gaya ng matinding pananakit, pagsusuka at kahirapan sa paghinga.
Ang espesyalistang pangkat ng palliative care ay patuloy na makikipagtulungan sa kasalukuyang pangkat ng pangangalagang pangkalusugan at maaaring kabilangan ng:
- Mga doktor
- Mga nars
- Mga kaalyadong propesyonal sa kalusugan (allied health professionals)
- Mga parmasyutiko/botika
- Mga sikologo (psychologist)
- Mga tauhan ng pangangalagang espirituwal o pastoral
- Mga boluntaryo sa palliative care
Paano makakakuha ng mga espesyalistang serbisyo ng palliative care?
Ang isang indibidwal, miyembro ng pamilya, tagapag-alaga, o doktor ay maaaring gumawa ng referral sa mga espesyalistang serbisyo ng palliative care.
Anong pangangalaga ang ibinibigay ng mga espesyalistang serbisyo ng palliative care?
Kabilang sa mga espesyalistang serbisyo ng palliative care ang:
- Tulong sa pagkontrol sa mga kumplikadong pisikal na sintomas
- Suporta sa mga alalahaning panlipunan, pangkultura, at pang-espiritwal
- Pagpapayo at suporta sa pagdadalamhati para sa tao at sa kanyang pamilya o mga tagapag-alaga
Saan maaaring ibigay ang mga espesyalistang serbisyo ng palliative care?
Maaaring ibigay ang palliative care:
- Sa bahay
- Sa ospital
- Sa hospice
- Sa residential aged care home
- Sa suportadong tirahan para sa may kapansanan
Magkano ang halaga ng mga espesyalistang serbisyo ng palliative care?
Karamihan sa mga serbisyo ng palliative care ay walang bayad. Maaaring may ilang gastos para sa mga gamot o kagamitan na mapag-uusapan kung kailangan.
Anong suporta ang makukuha para sa pamilya at mga tagapag-alaga?
Ang mga espesyalistang serbisyo ng palliative care ay nagbibigay din ng praktikal at emosyonal na suporta para sa mga pamilya at tagapag-alaga.
Paano kung kailangan ng interpreter?
Mahalagang ipaalam sa serbisyo kung kailangan ng interpreter sa pagbisita.
Paano ako makakahanap ng serbisyo o makakakuha ng karagdagang impormasyon?
- Makipag-usap sa iyong doktor, espesyalista o sinumang propesyonal sa kalusugan
- Tawagan ang iyong lokal na Serbisyo ng Palliative Care
- Makipag-ugnayan sa Palliative Care Victoria

Maaaring mag-ayos ng interpreter sa telepono. Mangyaring sabihin sa amin kung aling wika ang kailangan mo.
Further Resources

Tell Your Story About Palliative Care in Filipino
FILL IN FORM